Monday, September 19, 2011

30-day challenge day 11

medyo matagal din akong walang naisusulat dito ah. yung kasing talent ko sa pagsulat nagbakasyon lang sandali. talent daw eh. napapagod na daw sya. saka trip ko lang magluksa at magmuni-muni. pero dahil aabutan na ko ni red uy, sulat na nga uli.

anyway, today is sept 20th. happy anniversary batch 11. akalain mo yun, isang taon na pala kaming naglolokohan ng mga batchmates ko. parang wala nang balak maisakatuparan yung batch party natin ah.


isang taon na mula nang lisanin ko ang isang lugar kung san di na ko masaya sa ginagawa ko at halos kaladkarin ko na lang yung sarili ko pagpasok. araw-araw akong nakasimangot dun at pakiramdam ko namamatay na yung brain cells ko sa araw araw na pagbabalanse ng journal, pagsagot ng telepono, pagprint, pag-file. mga ganun. bukod pa yun sa unfair ang TL ko dun. may pinapaborito. arte ng arte di ko naman kasing ganda. chika lang. anyway, sabi ko nga, at least ang pagkatao ko ay di nabibili ng mumurahing cake gaya nya. pero kung cheesecake, pwede na. o, maniwala.

ilang panahon na rin akong sawa sa trabaho ko sa bangko. ginawa ko na ngang best friend si Lina ng Jobstreet. lahat na ng bangko na-applyan ko bdo, bpi, psbank, anz, metrobank, hsbc kaso may kabagalan sila magproseso. sinubukan ko nga din yung iba pang kumpanya, ibm, sykes, accenture. lahat sila di ako pinansin. well, positive naman yung sykes, pero yung starting dun, mas mababa pa sa starting ko sa bangko. pati nga yung pagtuturo ng english sa mga japs at korean muntik kong patulan kaya lang medyo malayo yung "office" nila at di ako maka-attend ng interview. ayaw magre-sched. eh di wag


yung application ko sa ciq masasabi kong nagkataon lang. financial transcriptionist kasi yung posisyon kaya naiconnect ko na lang na sa bangko ako galing. oo basta may numero, gora na yan.saka may nag-refer kasi sa kin na dati kong officemate na umalis dahil na-insekta na sya sa trabaho sa bangko. kolekta kasi ng kolekta. pinagdasal ko talagang makuha tong trabaho na to or hiniling ko ng bongga or inasam, ganun. eh kasi iba yung mga paniniwala ko sa Diyos, sa religion, so parang di tamang sabihing pinagdasal ko. basta, i just wanted to leave my previous job so badly, as in kapag di ako nakakuha ng bagong trabaho, pagdating ng dec 2010, magreresign ako kahit wala akong lilipatan. dun na lang ako sa bahay, tagalinis, tagaluto, taga-alaga ng aso, tagahatid sa school ng kapatid ko. pahinga kumbaga. pagkakuha ko pa lang kasi ng final grades ko, nagtrabaho na ko agad, so basically di ko naranasan ang buhay tambay after graduation. swerte lang din siguro.

september 20, 2010. yung unang araw ko sa ciq. sabi ko sa sarili ko, ayan new beginning. excited ako sa mga gagawin. ano kayang bago kong matututunan sa trabahong ito? ayun, una kong nakilala si jane. tinanong ko siya, batch 11 ka di ba? tapos nun kwentuhan galore na kami tapos dumating si girlie. si mimi naaalala ko nagcecellphone. 22 kami lahat sa batch eh. sa ngayon, 19 na lang, pero madami pa rin yun ah kasi kami daw yung pinakamadaming editors. orientation yung first day. tapos biglang isang taon na pala ang nakalipas. noong una natatakot pa ko, papasa kaya ako sa basic training? ibang iba kasi to sa dati kong ginagawa. ibang skill set yung kailangan kong idevelop. dito walang journal, walang balancing, walang cut-off na alas dos.

sabi nung mga dati kong katrabaho, mabilis daw ako makapick up dun sa bangko. tipong bored na ko agad sa kadadaldal nila pag nagtetrain kami, ayoko ng paulit-ulit na sinasabi o nilelecture. tsaka di ako masyadong matanong. tipong inaagaw ko na agad sa kanila yung trabahong dinedemo nila sa kin tapos ako na gagawa. may kasamang, "oo gets ko na, tawagin na lang kita pag may problema." dati kaya kong i-backup ang trabaho ng 2 additional na tao bukod sa trabaho ko, madalas kasi sila magkasakit dun eh. ewan ko nga dun sa dating team ko, lagi na lang merong surgery at maternity leave. kaya rin siguro ako napagod at nagsawa. wala nang challenge. pati yung mga australian na dati nakakanose bleed kausap, sila na nagnonose bleed sa kin. charing. tapos yung sweldo dun, hay kakairita. 3 taon ako dun ha. at grabe ang binibigay na increase. kulang pa pambayad ng cellphone bill. at di ganun kamahalan yung plan ko. mas malaki pa nga magload ung ibang taong kilala ko.

eh dito kaya sa bagong trabaho? sa simula, feeling ko lagi akong naiiwan ng mga kasama ko. nung una pakiramdam ko, ang galing naman nila. shonga ko naman ata di ko magets. tipong bottom of the food chain..... teka parang maling analogy. pero basta lagi akong nagtatanong aabot ba ko ng Pasko dito? may trabaho pa kaya ako pagkatapos ng basic training? mga ganung klaseng takot. mga ganung klaseng doubts. sa kabutihang palad, nakapasa naman ako. minsan, motivation ko yang mga ganyang bagay. yung tipong feeling ko di ako magaling kaya mas magiging matyaga ako. siguro nga totoo, i work better under pressure. para akong anglar fish, na kapag tinanggal mo sa ilalim ng dagat, bigla na lang sya sasabog kasi wala yung pressure na kinasanayan niya. nagbunga naman ata yung pagtyatyaga ko. eto nakakaisang taon na ko. may improvement naman.

so far masaya ako. everyday is a challenge. gamit na gamit yung brain cells ko. sige intindihin natin ang mga indiano, brazilian, norwegian, spanish, atbp na nag-uusap ng cancer research, ng bangko, ng publishing, ng electronics. pero pag dumadating yung sweldo, di ako naiimbyerna. At ang pinakamasaya dito, paperless. walang kailangang i-punch, i-fasten, i-envelope, i-label, ikahon at i-offsite. environment-friendly. isa sa mga naging problema ko yan sa bangko. tinatambak ko yung files ko, tapos aayusin ko lang pag month-end. minsan nga every quarter pa eh, pag may audit lang. eh ayun nakakaloka i-organize. hindi isang beses lang akong nawalan ng mga papeles dun.

isa siguro sa mga pinakamagandang nangyari sa kin nung magtrabaho ako sa ciq, natuto akong mag-adjust sa mga pagbabago. mas malayo ang ortigas kesa makati sa bahay namin, kaya ayan natuto ako mag-mrt. claustrophobic pa rin ako, pero kailangan eh, kesa naman malate ako ng bonggang bongga. adjust din sa schedule. first time ko magtrabaho ng graveyard. sa una nakakaloka, katakot kaya umalis ng gabi. pero eto sanay na ko. bumilis din ako maglakad kasi baka mamaya may mga nakasunod na snatcher, holdaper, stalker. wala ni-rhyme ko lang.

isa pa, according to my friends, eh nagmature daw ako. siguro nga totoo. sa dati ko kasing trabaho, pinakabata ako nung magsimula ako. bunso nila ko dun kaya dalas kong magtantrums. pramis as in dabog kung dabog at kapag galit ako, maghapon akong di magsasalita. saka pag di kita gusto, sorry ka. dito mas nakasmile ako. mas masaya kapag wala kang kaaway. yung tipong deadmatology. kung may maarte o mayabang o masama ang ugali, deadma lang lalo na kung wala namang ginagawa sa kin. problemahin ko pa ba sila? para namang matatakpan yung butas ng ozone layer kapag ininis ko yung sarili ko sa kanila. saka mas masaya pag madaming bagong friends di ba. isa na dyan ang nagconvince sa kin buhayin yung blog ko. ikaw talaga yan, red. nakakapressure ka.

No comments:

Post a Comment